Pinag-reresign ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang mga head revisors ng Presidential Electoral Tribunal o PET.
Ito’y makaraang mahuli ang mga ito na sumama sa ikinasang outing ng mga revisor ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa Barangay Pansol, Calamba sa Laguna.
Ayon sa gobernador, hindi tama ang pagsama ng mga head revisors ng pet sa outing ng kampo ni Robredo lalo’t patuloy ang isinasagawang re-count hinggil sa inihaing protesta ng kaniyang kapatid na si Dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Tinawag ding fake news ni Marcos ang pahayag ng kampo ni Robredo na alam ng kaniyang kapatid ang naturang aktibidad at nagpadala pa umano ito ng pagkain.
Hindi aniya kukuwestyunin ng kaniyang kapatid ang naturang okasyon kung alam nila ito at kung totoo ang pinalulutang ng kampo ni Robredo.
Pero sa panig ni Robredo, sinabi sa DWIZ ng legal adviser nitong si Atty. Barry Gutierrez na nagsalita na ang PET sa naturang usapin kaya’t hindi na ito dapat pang palakihin ng kampo ni Marcos.
“Ang kwento kasi po nun, ito po ang nakaabot sa amin, parang yung mga head revisors, ito po yung mga empleyado mismo ng PET, napapansin na over the past few months na medyo nagkakainitan yung mga representatives ni VP Leni at yung mga representatives ni Mr. Marcos so iniisip nila, baka magkaroon tayo ng outing para medyo magkalamigan ng ulo. Natutuwa nga po kami dahil tinuldukan na po ito ng PET kumbaga, idinismiss at ibinasura na yung motion ni Mr. Marcos at sila na mismo ang nagsabi na tapos na itong issue.”