31.1 C
Manila
Friday, April 26, 2024

Mga Empleyado Sa LGU Buhi Sumailalim Sa RDT At COVID-19 Antigen Swab Test

- Advertisement -

Pumasailalim ang 60 na empleyado ng LGU Buhi sa Rapid diagnostic tests (RDT) at COVID-19 Antigen Swab Test ngayong araw. Ang nasabing aktibidad ay ginawa dahil sa mga dumaraming kaso ng Covid-19 sa bayan ng Buhi.

Sa unang araw ng pagbabalik serbisyo noong Nobyembre 13, hiningi ni Mayor Margie Aguinillo ang tulong ni dating congressman Nonoy Andaya, sa pamamagitan ng “Alagang Andaya,” na magsagawa ng rapid testing para sa mga empleyado. Napaunlakan naman si Aguinillo ni Andaya at binigyan ng 60 slots ang municipyo. Ang desisyon na magsagawa ng nasabing aktibidad ay base sa rekomendasyon ng Municipal Health Office (MHO) at ni Dr. Breandovin Saez.

Dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19, lumubo ang bilang ng mga tao na kailangang ipasailalim sa Covid-19 RT-PCR test. Mahigit isang daang tao ang nakapila ngayon at maaaring abutin ng ilang linggo bago ito matapos. Ito ay dahil sa sa limitadong slots ng swab tests sa buong Camarines Sur sa isang araw.

Sumailalim muna ang mga empleyado sa RDT upang makita kung kailangan pa nilang pumasailalim sa Antigen Swab Test. Kapag nagpositibo sa RTD ang isang empleyado, doon lamang siya magpapasailalim sa antigen test. Kung magpositibo naman sa antigen test, i-rerekomenda ng Municipal Health Office ang pasyente sa RT-PCR swab test para opisyal na makompirma ang Covid-19 infection.

Ang antigen test ay isang uri ng test na kung saan ay pwedeng makita ang aktibong Covid-19 infection sa isang tao. Ngunit ang RT-PCR Test parin ang tinatawag na “gold standard” pagdating sa pagkumpirma ng Covid-19.

Samantala, nagbigay naman si Mayor Aguinillo ng mensahe sa mga empleyado ng LGU Buhi. Isinalaysay niya ang kanyang karanasan noong siya ay magkasakit ng Covid-19 at kung paano niya ito nalampasan. Pinaalalahanan din niya ang lahat ng empleyado sa pagsunod sa mga health protocols.

Pinasalamatan din ni Mayor Aguinillo ang lahat na nagsilbi sa mga nakaraang operasyon sa mga bagyo, lalong lalo na kay Vice Mayor Jofred Balagot na siyang naging Acting Mayor sa dalawang nakaraang kalamidad.

Naging pilay ang operasyon ng munisipyo dahil sa kakulangan ng tao, pero ito ay naging matagumpay dahil narin sa dedikasyon ng mga natitirang empleyado na nagsilbi at tumulong sa mga nakaraang operasyon.

(Source: LGU Buhi)

- Advertisement -

Leave a Reply

- Advertisement -

Related Articles

- Advertisement -
- Advertisement -

Latest Articles

- Advertisement -