Mga economic managers pinakakalma hinggil sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno

0
56

Hinikayat ni Senador Aquilino Koko Pimentel III ang binuong ConCom o Consultative Committee na ilatag ang kabuuang gastusin para sa panukalang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan tungo sa pederalismo.

Sa panayam ng DWIZ kay Pimentel, sinabi niyang malaki ang maitutulong ng nasabing hakbang para mapanatag ang mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Magugunitang nagpahayag ng pangamba ang mga economic managers ng pangulo hinggil sa nasabing hakbang dahil sa posibilidad na maka-apekto iyon sa ekonomiya.

“Charter change na yung pinag-uusapan, syempre, kampante na tayo sa sistemang alam na natin, nakasanayan natin, eh ito bago talaga ito atsaka kung magbabago ka talaga, talagang merong gastos po ito. For example, kailangan yung i-build yung mga regional center, so may sarili ring build build build ito kasi kada region, meron nang capital yan eh.”

Kasunod nito, pinayuhan ni Pimentel ang lahat ng mga sumusuporta at nagsusulong ng pederalismo na maghinay-hinay at huwag madaliin ang pagpasa sa nasabing panukala.

“Ang idea sa pederalismo, nagiging decentralized tayo, nag de-devolve tayo, pinapasa natin yung sa mga region para kanya kanya sila at kung papaano sila at saan nila ilalagay yung pera nilang matipid. Ang assumption don, mas kabisado ng mga local leader ang sitwasyon ng kanilang lugar.”

(Usapang Senado interview)