Mga bangkay ng mga nasawing COVID-19 patients tiniyak na hindi maiipon sa mga ospital

0
14

Tiniyak ni National Task Force COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na ginagawa nila ang lahat upang hindi dumami o maipon ang mga bangkay ng mga pasyente ng COVID-19 sa mga ospital.

Ito ay matapos ang napaulat na nakalagay lamang umano sa hallway ng East Avenue Medical Center sa Quezon City ang mga labi ng pasyente dahil sa kakulangan ng body bags.

Ayon kay Galvez, polisiya ng National Task Force na Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Office Of Civil Defense (OCD) ang nakaatas sa pagkuha ng mga labi sa ospital para sa proper disposition.

Aniya, ang mga bangkay ay dapat mai-cremate sa loob lamang ng 12-oras matapos itong masawi upang maiwasan ang kontaminasyon.

Gayunman, ipinabatid naman ni Galvez na nagkakaroon ng problema ang ilang ospital ngayon dahil iniiwan lamang ng pamilya ang labi ng kanilang kamag-anak habang ang iba ay nahihirapan namang kilalanin ang kapamilya sa mga pasyente sa ospital.

Samantala, itinanggi naman ng East Avenue Medical Center ang napaulat na may kakulangan sila sa body bags dahil mayroon anila silang steady na suplay para rito.