Mega COVID-19 quarantine sites ng gobyerno nasa ‘danger zone’ na —DOH

0
18

Nasa ‘danger zone’ na ang mega coronavirus disease 2019 (COVID-19) quarantine sites ng pamahalaan.

Ito mismo ang naging pag-amin ng Department of Health (DOH) kung saan nasa 70% na ng kabuuang kapasidad ng nasabing quarantine sites ang okupado na.

Ayon kay Health undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa danger zone na ang mga quarantine treatment facilities ng bansa kabilang na ang Ultra Stadium, Quezon Institute, Rizal Memorial Coliseum, Philippine Arena at Asean Convention Center.

Sinabi ni Vergeire, maituturing na ‘safe zone’ ang isang treatment facility kung aabot lamang sa hanggang 30% ang occupancy nito, ‘warning zone’ naman kung mula 30% hanggang 70% ng kapasidad nito ang okupado na, at ‘danger zone’ naman kung 70% hanggang 100% na ang utilization sa mga ito.

Una rito, matatandaang hindi na inirerekumenda ang home quarantine para sa mga asymptomatic at mild COVID-19 patients, at kinakailangan ng mga ito na ilipat na sa mga quarantine facilities na itinakda ng pamahalaan.

Samantala, tiniyak naman ni isolation czar Mark Villar na pinaplano nila ang pagtatayo pa ng nasa 50 quarantine facilities sa mga darating na linggo.