Manufacturer ng nakalason umanong lambanog sa Rizal, Laguna posibleng makasuhan —health sec

    0
    18

    Posibleng maharap sa patung-patong na kaso ang manufacturer ng lambanog na nakalason sa daan-daang katao sa Rizal, Laguna

    Ito at matapos na masawi ang nasa 12 katao, habang nasa 300 naman ang isinugod sa ospital matapos na uminom ng lambanog.

    Sa kabuuang bilang na 300 na mga isinugod sa ospital, dalawa dito ang kinailangan pang i-dialysis at isa naman ang inilipat pa sa intensive care unit (ICU).

    Ayon kay Health Secretary Francsico Duque III, posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide lalo na’t hindi na naman bago ang pagkakalason dahil sa naturang inumin.

    Aniya, noong nakaraang taon lamang ay nasa 15 ang nasawi dahil sa lambanog kung saan nasa P1.9-milyon ang ipinataw na multa sa Bossing Lambanog na siya namang manufacturer ng lambanog.

    Sa ngayon, sinabi ni Duque na patuloy pa ring iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang nasabing insidente habang hinikayat din naman ni Duque ang Food and Drug Administration (FDA) na tutukan ang mga backyard distilleries sa bansa.