Mahigit 30 indibidwal naaresto ng PNP dahil sa pagpapakalat ng fake news

0
16

Nasa 32 na ang kabuuang naaresto ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon hinggil sa banta ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, 24 sa mga ito ang naaresto ng Anti-Cybercrime Group.

Habang 8 naman aniya ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng police regional offices at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sinabi ni Banac nagmula ang mga suspek sa bahagi ng Quezon City, Eastern Visayas, Central Visayas, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Caraga region.

Dagdag ni Banac, 17 na rin sa mga ito ang napagharap na sa kasong paglabag sa Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Untterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa online libel at Anti- Cybercrime Law —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).