Love triangle sanhi umano ng crime of passion sa loob ng NCRPO headquarters sa Taguig

0
48

Isolated case lamang ang nangyaring pamamaril ng isang pulis sa kaniyang kapwa pulis sa loob mismo ng Kampo Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig kahapon.

Iyan ang inihayag sa DWIZ ni NCRPO o National Capital Region Police Office Chief P/Dir. Guillermo Eleazar kung saan tinitingnan nila ang anggulong love triangle ang naging sanhi ng tinatawag na crime of passion.

Kinilala ni Eleazar ang biktima na si PO1 Mark Carlo Pasamba na nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa kaniyang katawan na siyang sanhi ng agad nitong pagkamatay nang isugod sa Taguig – Pateros District Hospital.

“May mga witness tayo na nakakita at nung first time kong makausap itong suspect ay inamin naman niya na dala ng matinding selos, dahil nga tila love triangle ang pinanggalingan nito, itong suspect is asawa rin ng pulis na ka-batch niya, na accordingly nagkaroon ng intimate relationship with the victim at yun nga ang dahilan kaya nagkaroon ng ganung insidente. Itong suspect naman na ito ay nasa custody na ngayon ng Taguig Police Station at hinahandle na ang kasong murder na ire-refer natin sa piskalya at sa kasong administratibo naman ay magsasagawa na tayo ng evaluation, eventually dito patutunayan na ito ay kaso ng grave misconduct na ang sanction ay dismissal from term.”

Paalala naman ni Eleazar sa kanilang mga kapwa pulis, dapat panatilihin ng mga ito sa kanilang puso ang ethical standards gayundin ang pagiging sagrado ng kasal.

Bagama’t mainam din na humingi ng gabay at payo ang mga pulis na nahaharap sa pagsubok sa kanilang mga superiors subalit dapat ding isaalang-alang ng mga pulis ang resulta ng kanilang mga gagawin.

“Hindi lamang po dito sa problema about sa marriage kasi ang atin naman pong mga leaders ay pag hindi niya alam pwede niya namang i-refer yan para makakuha ng magandang payo pero at the end of the day ay buntot natin, hila natin di po ba? So alam dapat natin ang ating ginagawa at palaging ibalik po natin doon sa simula, wag na tayo pumunta sa sitwasyon na magkakaroon pa tayo ng problema at as possible, eh alam naman natin kung ano ang mali, we should be guided properly na tahakin ang tama.”

(Global Pinoy interview)