Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi matapos na malason dahil sa lambanog.
Batay sa inisyal na report, sumampa na sa 12 ang bilang ng mga namatay matapos na tuluyang bawian ng buhay ang isang Jenard Clerigo, 37-anyos na mula sa bayan ng Rizal sa lalawigan ng Laguna kanina lamang alas-4:30 ng madaling araw.
Ayon sa Philippine General Hospital (PGH), neurologic complications ang ikinasawi ng biktima.
Una rito, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na tatlong pasyente pa mula sa 300 isinugod sa ospital ang nasa malubhang kondisyon o nasa red zone habang nasa 30 naman ang stable na at pinayagang makauwi sa kani-kanilang mga tahanan.