Ikinalungkot ni Senator Ping Lacson ang pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na walang ‘pork’ insertions na ginawa ang mga kongresista sa panukalang 2019 national budget.
Ayon kay Lacson nakapagtatakang nagboluntaryo pa si Diokno kay Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri na tumulong sa paghimay sa 2019 General Appropriations Bill upang mahanap ang mga isiningit na pondo dito makaraang baguhin ng Kamara ang national expenditure program na isinumite ng Malacañang.
Naniniwala si Lacson na layon ng naging pahayag ni Diokno na pakalmahin lamang ang mga kongresista dahil sa nakatakdang pagharap ng kalihim sa question hour ng Kamara ngayong araw.
Giit ni Lacson dahil sa pahayag na ito ni Diokno ay mas mahihirapan siya sa kanyang adbokasiya at posibleng makahikayat pa para sa mas maraming hindi makatwirang insertion sa budget sa susunod na mga taon.
Sa kabila nito, desidido si Lacson na busisiin pa rin ang 2019 budget at tiniyak na ipagpapatuloy niya ang kanyang krusada laban sa pork barrel kahit pa siya ay nag-iisa.
(Ulat ni Cely Bueno)