Kilos protesta kasabay ng SONA ni Duterte ilalarga

0
14

Ikakasa pa rin ng mga militanteng grupo ang kanilang kilos protesta sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngayong Lunes, ika-27 ng Hulyo.

Ito ay sa kabila ng pagbabawal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Inter-Agency Task Force (IATF).

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, hindi naman ipinagbabawal sa ilalim ng konstitusyon ang paghahayag ng kanilang saloobin at susunod pa rin naman sila sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.

Tiniyak naman ng grupo na magkakaroon sila ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, gayundin sa Quezon City Police District at Commission on Human Rights (CHR), para maging tahimik at maayos ang kanilang ikakasang protesta.

Samantala, maaga naman nilang ikakasa ang kilos-protesta ngayong araw sa harap ng CHR sa Commonwealth Avenue, gayundin sa paligid ng Elliptical Road at UP University Ave. bago ang Salubungan march.

Tiniyak naman ng grupo na hindi nila ipipilit ang pagmamartsa papunta sa Batasan Complex.