Kapitan ng F/B Gemvir 1 iginiit na binangga at pinabayaan sila ng Chinese vessel

0
58

Iginiit ng kapitan ng F/B Gemvir 1 na si Junel Insigne na binangga sila ng isang Chinese vessel habang naka-angkla sa bahagi ng Reed Bank o Recto Bank sa West Philippine Sea.

Ayon kay Insigne, nagpapahinga siya kasama ang 21 pang mga mangingisda sa loob ng kanilang bangka pasado alas 12:00 ng hating gabi noong Hunyo 9 nang sagasaan ang kanilang bangka ng Chinese vessel hanggang sa lumubog ito.

Pero sa halip aniya na tulungan ay inabanduna sila ng mga Tsino.

Kwento ni Insigne, binalikan pa sila ng Chinese vessel saka inilawan at nang makitang nakalubog na ang kanilang bangka, pinatay na ng Tsino ang kanilang ilaw saka umalis.

Sinabi ni Insigne, kung hindi dumating ang mga Vietnamese fishermen sa lugar at iniligtas sila ay posibleng namatay na silang lahat.