Kampanya ng mga kandidato sa lokal na eleksyon aarangkada na bukas

0
46

Aarangkada na bukas, Marso 29 ang kampanya para sa mga lokal na kandidato sa darating na midterm elections.

Inaasahang kaliwa’t kanang motorcade ang ilalaraga ng mga kandidato sa pagka-gobernador, kongresista pababa hanggang sa konsehal ng mga munisipalidad at syudad.

Kasabay naman nito, siniguro naman ng Comelec na nakahanda silang bantayan ang mga lokal na kandidato lalo na pagdating sa mga paglabag sa campaign rules.

Nagpaalala naman ang Comelec sa mga botante na pag-aralan mabuti ang mga kandidato at isiping mabuti kung sino ang karapat-dapat na iboto sa darating na eleksyon.


ARMM

Samantala, inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na hindi na magiging kabahagi ng gaganaping midterm elections ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Kasunod ito ng binuong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na naging resulta ng isinagawang plebisito.

Sa naging Comelec Resolution Number 10512, tinanggal na ang mga posisyon ng regional governor, regional vice–governor at members ng regional legislative assembly ng ARMM kasunod ng naging ratipikasyon sa Republic Act No. 11054 o ang Bangsamoro Organic Law (BOL).

Samantala, ipinag-utos ng Comelec ang paghahati sa Southern Leyte sa dalawang legislative district.

Sakop ng unang distrito ang Maasin City, Macrobon, Padre Burgos, Limasawa, Malitbog, Tomas Oppus at Bantoc habang nasa ikalawang distrito naman ang Sogod, Libagon, Liloan, San Francisco, Pintuyan, San Ricardo, Saint Bernard, Anahawan, San Juan, Hinundayan, Hinunangan at Silago.

—-