Pinaiimbestigahan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Philippine National Police (PNP) ang mga basurang Personal Protective Equipments (PPE’s) na nagkalat sa EDSA sa harapan ng EDSA Monumento sa Quezon City.
Ayon kay MMDA Edsa Traffic Chief Bong Nebrija, mayroong tatak ng isang ospital ang kanilang mga napulot na gamit na PPE’s, face mask, gloves at iba pa.
Aniya, kanya na ring tinawagan si JTF covid shield Commander Pol/Lit. General Guillermo Eleazar upang pangunahan ang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Nebrija, nagkataon namang nasa kabilang direksyon ang CCTV camera ng MMDA dahilan para hindi makuhanan kung paano nagkalat ang mga naturang basura sa edsa at kung anong sasakyan ang responsable dito.
Samantala, umaapela naman si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga lokal na pamahalaang lungsod na makipagtulungan sa pagbabantay sa pagtatapon ng mga basura dahil maaaring makahawa ang mga nagkalat na medical waste kapag ito ay pinulot ng garbage collector ng walang tamang proteksyon.