Isang hospital sa Batasan Road, Quezon City isasailalim sa disinfection

0
14

Isasailalim sa masusing disinfection ang Rosario Maclang Bautista General Hospital (RMBGH) sa Batasan Road Quezon City matapos na magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang marami sa mga empleyado nito.

Sa ipinalabas na pahayag ni RMBGH Officer in Charge Dr. Maria Rosela Espinar, kabilang sa isasailalim sa tinatawag na wall-to-wall disinfection ang ward, emergency room, admitting area at ibang kritikal na bahagi ng ospital.

Dagdag ni Espinar, kasalukuyan na ring naka-self quarantine ang iba pang mga frontliners na nakasalamuha ng mga empleyado ng RMBGH na nagpositibo sa COVID-19.

Tiniyak naman ni Espinar na nananatiling ligtas ang mga pasyenteng naka-admit sa kanilang ospital.

Kaugnay nito, inirerekomenda ng RMBGH ang Quezon City General Hospital at Novaliches District Hospital para sa mga out patient service at iba pang pangangailangang medikal ng kanilang nasasakupan.