Iriga: Walong koponan mula Bicol, pasok sa Palarong Pambansa 2023

0
8

Pasok sa Palarong Pambansa 2023 ang walong koponan mula sa iba’t ibang paaralan sa Bicol region matapos talunin ang iba pang manlalaro sa Cluster 2 sa kakatapos lamang na Pre-National Qualifying Meet sa Sta. Cruz, Laguna nitong Hulyo 3 hanggang Hulyo 7.

Ipinahayag ni Department of Education (DepEd) Bicol Regional Director Gilbert Sadsad na dumaan muna sa Pre-National Qualifying Meet bago didiretso sa Palarong Pambansa ang mga koponan mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Samantala, natapat ang mga grupo mula sa Bicol region sa Cluster 2 kabilang na ang National Capital Region (NCR), CALABARZON, at MIMAROPA.

Ayon kay Ronald Asis, chief ng Education Support Services Division ng DepEd Bicol, isang pribilehiyo at karangalan ang makaharap ang mga naturang grupo na nasa parehong cluster ng Bicol region.

Ibinida naman ni Asis ang mga programang pang-isports sa rehiyon na siyang naging susi din umano upang makapasok sa Palarong Pambansa ngayong taon ang mga grupo mula sa rehiyon ng Bicol.

Bukod sa paghahanda para sa paparating na Palaro ay ibinahagi rin ni Asis ang mga pagbabago na bunga umano ng mga pagsasanay ng mga koponan mula sa Bicol.

Gaganapin ang Palarong Pambansa 2023 sa Marikina City mula Hulyo 29 hanggang Agosto 5.  (Jv Navarro Verdeflor Jr.)

(Source: DepEd Bicol, photo credits to the owner)

Leave a Reply