Iriga: State of Calamity dahil sa Oil Price Hike, Agarang tulong Pinansyal sa Transport Sector Ipapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon

    0
    10

    Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na nagdulot ng matinding epekto sa kabuhayan at transportasyon, agad na kumilos ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon sa pangunguna ni Governor Boboy Hamor matapos mailagay ang lalawigan sa ilalim ng state of calamity.

    Sa isang pulong na ipinatawag ngayong hapon, pinangunahan ng gobernador ang pagtitipon ng mga department heads ng kapitolyo at mga 7K planners upang agarang maipatupad ang programang ayuda para sa sektor ng transportasyon.

    Ayon sa plano, maglalaan ang pamahalaang panlalawigan ng cash assistance na kukunin mula sa calamity fund upang matulungan ang mga operator at tsuper ng modernized jeepneys, tradisyunal na jeepneys, at tricycles sa buong lalawigan.

    Sa mga darating na araw, ipatutupad na ang lingguhang pamamahagi ng ayuda na direktang nakatuon sa pangangailangan ng mga tsuper sa krudo. Batay sa itinakdang alokasyon, makatatanggap ng katumbas na 10 liters ng gas ang bawat modernized jeepneys, 7 liters naman para sa tradisyunal na jeepney, habang full tank na tulong ang ibibigay sa bawat tricycle.

    Binigyang diin ng pamahalaang panlalawigan na ang mga tricycle na makatatanggap ng ayuda ay kinakailangang lehitimong rehistrado sa kani-kanilang mga munisipyo upang matiyak ang maayos at patas na pamamahagi ng tulong.

    Layunin ng programang ito na maibsan ang pasanin ng mga tsuper at operator na labis na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, at mapanatili ang tuloy-tuloy na serbisyo ng transportasyon sa lalawigan.

    Sa pamamagitan ng agarang aksyon na ito, ipinapakita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon ang malasakit at mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan sa panahon ng krisis.

    Source: Sorsogon PIO

    Leave a Reply