Nasabat mula sa isang 38-anyos na high-value individual ang tinatayang 200 gramo ng shabu matapos ang buy-bust operation na ikinasa ng pinagsamang operatiba ng ODRDO-RPDEU5, katuwang ang PIU/PPDEU at San Fernando MPS, kapwa mula sa Camarines Sur PPO, nitong ika-18 ng Mayo 2025 sa Zone 4, Barangay Grejalvo, San Fernando, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Lando,” residente ng Pasay City. Nasamsam mula sa kanya ang humigit-kumulang PhP1,360,000.00 na halaga ng ilegal na droga.
Ang mga nakumpiskang ebidensya, kabilang ang droga ay dinala sa San Fernando MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Nahaharap ang nasabing suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PBGEN ANDRE P DIZON, RD PRO 5, ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP Bicol laban sa iligal na droga. Aniya, ang pagkakasabat ng malaking halaga ng shabu ay isang malaking hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa rehiyon.
Pinuri rin ni PBGEN DIZON ang mga operatiba sa kanilang mabilis at mahusay na aksyon na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek. Dagdag pa niya, ang PRO 5 ay patuloy na makikipagtulungan sa mga lokal na komunidad upang tuluyang masugpo ang iligal na droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Patuloy namang nagsasagawa ng mas malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga posibleng koneksyon ni “Lando” sa mas malalaking sindikato ng droga. ###
Source: PNP Kasurog Bicol
