Iriga: DTI- Albay, hinihikayat ang mga negosyante na sumali sa Bagwis Award

0
16

(Legazpi City, May 19, 2025) Hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) Albay ang lahat ng mga retail establishment sa lalawigan na lumahok sa prestihiyosong Bagwis Award.

Ayon kay Jean Teresa Besinal, Trade and Industry Development Specialist ng DTI Albay sa isang talakayan sa Albay Consumer Net on Air edition ng Philippine Information Agency (PIA) Albay, mahalaga ang paglahok sa Bagwis Award upang mapakita ang dedikasyon ng isang negosyo sa paglilingkod sa mga mamimili.

“Sa ating mga establisyimento na hindi pa po nakakapag-apply lalong lalo na ‘yung mga retail establishments mag-join na po kayo para ma-recognize as one of the establishments na naga-uphold ng consumer rights and nagko-comply sa fair trade laws,” pahayag ni Besinal.

Ang DTI-Bagwis Program ay nagbibigay-pagkilala sa mga establisyemento na sumusunod sa mga karapatan ng mga konsyumer.

Layunin din ng programa na hikayatin ang pagtatayo ng Consumer Welfare Desks (CWDs) o katumbas na opisina para sa customer relations sa loob ng mga mall upang tumugon ng mabilisan sa mga reklamo.

Ang pagkakaroon ng Bagwis Award sa isang business establishment ay nagpapahiwatig na ang mga negosyante ay nagtataguyod ng patas at tapat na pagnenegosyo.

Samantala, hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa DTI Albay para sa karagdagang impormasyon at mga kinakailangang dokumento sa pagsali sa naturang award.

Source: Albay PIO

Leave a Reply