IRIGA: PHILVOLCS, nagbabala sa posibleng lahar na maging sanhi ng malalakas na pag-ulang dala ng Bagyong Ada

0
10

Nagpalabas ng Lahar Advisory ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) bunsod ng inaasahang malalakas na pag-ulang dala ni Bagyong Ada na maaaring magdulot ng pagdaloy ng lahar sa paligid ng Bulkang Mayon.

Batay sa Weather Bulletin No. 8 ng Philippine Atmospheric and Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang makararanas ng 100mm hanggang 200mm ng ulan ang silangang bahagi ng Southern Luzon, kabilang ang Bicol Region.

Dahil dito, may posibilidad na ma-trigger ang volcanic sediment flows o lahar, pati na ang maputik na agos ng tubig sa mga ilog at drainage channels na nagmumula sa Bulkang Mayon.

Ayon sa PHIVOLCS, ang lahar ay maaaring magdulot ng pagbaha, pagguho ng lupa sa ibabang bahagi ng mga river channels lalo na kung magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Partikular na binigyang-babala ang mga komunidad na malapit sa mga daluyan ng lahar kabilang na ang Mi-isi at Binaan Channel sa Daraga, pati na ang Mabinit, Bonga, Matanag, Buyuan at Padang sa Lungsod ng Legazpi.

Gayundin ang ilog sa Lidong at Basud sa bayan ng Sto. Domingo at Masarawag, Maninila Channel, at iba pang kaugnay na distributary channels sa Guinobatan.

Nanawagan ang ahensiya sa mga residente at lokal na pamahalaan na manatiling mapagmatyag, at agad magsagawa ng preventive measures upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Pinayuhan din ang mga nasa danger zones na maging handa sa posibleng pre-emptive evacuation sakaling lumala ang sitwasyon.

Source: Albay PIO

Leave a Reply