Apektado ang sektor ng agrikultura sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ng Albay dahil sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.
Batay sa ulat ng Albay Provincial Agricultural Office, nasa 1,816.823 na ektarya ng mga pananim at daan-daang magsasaka ang nakaranas ng pinsala dahil sa pag-ulan ng abo at iba pang epekto ng pag-aalburuto ng bulkan.
Kabilang sa mga lugar na may naapektuhang pananim ay ang Malilipot, Bacacay, Legazpi City, Daraga, Camalig, Guinobatan, at Tabaco City.
Ang mga pananim na tinamaan ay kinabibilangan ng palay, abaka, niyog, gulay, mais, at mayroon ring naapektuhan na fishponds.
Sa bayan ng Malilipot, nasa 366 ektarya ng taniman ng abaka ang apektado na sinasaka ng 386 magsasaka, 299 na ektarya naman ng niyogan at ilang taniman na gulay ang naapektuhan din.
Ang nasabing lugar ay nasa loob ng 6 km permanent danger zone hanggang 8 km Extended Danger Zone (EDZ) ng bulkan.
Sa bayan ng Guinobatan, umabot sa 377.91 ektarya ng palayan ang naapektuhan na sinasaka ng 557 na magsasaka, bukod pa ito sa mga taniman ng gulay at mais.
Samantala, sa Daraga at Camalig, malawak ding taniman ng gulay ang apektado, lalo na sa mga lugar na kabilang sa EDZ.
Ayon sa kabuuang tala, umabot sa mahigit 2,000 ektarya ng fishponds, 534 ektarya ng niyog, 527 ektarya ng gulay, at 377 ektarya ng palay ang naapektuhan.
Tinatayang nasa 2,279 na mga magsasaka at operators ang direktang naapektuhan ng naturang aktibidad ng bulkan.
Layon naman ng APAO na masigurong hindi masasayang ang mga pananim na handa nang anihin sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga magsasaka sa mga direktang mamimili at sa merkado.
Source: Albay PIO
