Isinagawa ngayong araw sa Iriga City Hall Grounds ang kauna-unahang Flag Raising Ceremony para sa buwan ng Agosto. Pinangunahan ito ng City Legal Office sa pamumuno ni Atty. Shane B. Imperial, kung saan nagsuot ang mga kawani ng makukulay at tradisyonal na kasuotang mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.
Bahagi rin ito ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Layunin ng selebrasyon na palakasin ang pagpapahalaga sa wikang pambansa at mga katutubong wika bilang susi sa pambansang pagkakaisa.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Rex C. Oliva ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang maisakatuparan ang mga layunin para sa kapakanan ng mga Irigueño. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga tanggapan ng pamahalaang lungsod para sa matagumpay na mga aktibidad noong nakaraang linggo.
Naging makulay at makabuluhan ang seremonya bilang pagsisimula ng mga aktibidad para sa Buwan ng Wika at pagkilala sa kultura at kasaysayan ng Asya at ng ating bansa.
Source: Lungsod Ng Iriga
