Naging payapa, maayos, at kalmado ang paggunita ng Mahal na Araw sa buong rehiyon ng Kabikulan, bunga ng masusing paghahanda at mas pinatibay na security measures na isinagawa ng Police Regional Office 5 sa pamumuno ni PBGEN ANDRE P DIZON, RD.
Bahagi ng seguridad na ipinatupad ang pinaigting na presensya ng kapulisan sa mga pampublikong lugar gaya ng mga simbahan, sementeryo, terminal, pantalan, tourist destinations, at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng mga mamamayan at turista. Regular ang isinagawang pagiikot at visibility patrols ng mga pulis upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat.
Hindi rin nagpabaya ang PRO5 sa pagpapatupad ng mga anti-criminality measures. Mas lalo pang pinagtibay ang mga inilunsad na police operations laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad, kabilang na ang anti-drug campaigns, anti-theft operations, at ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa.
Bukod dito, naging susi rin sa maayos na selebrasyon ang aktibong koordinasyon ng kapulisan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at mga volunteer groups. Mahalaga ring bahagi ng kampanya ang paggamit ng social media bilang plataporma para sa pagbibigay ng paalala, babala, at real-time updates sa publiko. Sa pamamagitan nito, mas naging mabilis ang daloy ng impormasyon at mas epektibong naiparating ang mga mahahalagang anunsyo.
Ayon kay PBGEN DIZON,“Ang aming pangunahing layunin ay tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat mamamayan sa panahon ng Mahal na Araw. Sa tulong ng kooperasyon ng ating mga LGUs, volunteers, at mamamayan, naging matagumpay ang ating layunin. Patuloy kaming magseserbisyo para sa isang ligtas at maayos na komunidad.”
Dahil sa epektibong pagpapatupad ng mga hakbang, zero major incidents ang naitala sa buong rehiyon sa kabuuan ng Mahal na Araw. Ang resultang ito ay patunay ng kahalagahan ng maayos na pagpaplano, pagtutulungan ng komunidad, at ang hindi matatawarang dedikasyon ng kapulisan sa pagsiguro ng kapayapaan at kaayusan.
Source: PNP Kasurog Bicol
