Target ng Pamahalaang Lokal ng Albay na mabuksan pa ang karagdagang hospital facility sa bagong gusali ng Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital (JBDAPH) na matatagpuan sa Purok 4 Tuburan, Ligao City.
Ito ay matapos bisitahin ni Albay Governor Noel Ebriega Rosal ang pasilidad nitong linggo upang personal na inspeksyonin ang operasyon ng bagong provincial hospital building na pinasinayaan Nobyembre ng nakaraang taon.
Ani Rosal, target ng pamahalaang lokal na mabuksan at maging operational ang dalawa pang operating room upang makapagsilbi sa mas marami pang pasyenteng nangangailangan ng atensyong-medikal.
Bukod pa rito, target ng gobernador na madagdagan pa ang bed capacity ng JBDAPH hanggang sa 450 mula sa kasalukuyang 250 bed capacity.
Patuloy rin ang ginagawang pagsisikap para madagdagan ang suplay ng gamot sa nasabing hospital upang mabawasan ang gastusin ng mga pasyente.
Source: Albay PIO
