Upang mas mapataas ang kita sa pagsasaka at maipakita ang mga teknolohiyang akma tuwing off-season ng pagtatanim ng gulay, isinagawa ang Seed Derby at Farmers’ Field Day sa 2-ektaryang taniman ng Agripreneurs Farmers Producers Association, Inc. (AFPAI) sa Palangon, Libmanan, Camarines Sur nitong ika-12 ng Agosto.
Pinangunahan ito ng Municipal Agriculture Office ng Libmanan at sinuportahan ng DA Bicol – High Value Crops Development Program (HVCDP).
Mahigit 320 na magsasaka mula sa Pili, Magarao, Lupi, San Jose, Sipocot, Pasacao, Naga City, Pamplona, Del Gallego, Minalabac at Libmanan, Cam. Sur at Basud, Cam. Norte ang dumalo.
Ayon kay Robert Buayaban, president ng AFPAI, ang kanilang asosasyon ay may 17-ektaryang plantasyon ng gulay sa naturang lugar, tulad ng kalabasa, sili, sitaw, ampalaya, okra at iba pa. Nagtatanim din sila ng mga prutas tulad ng pakwan, melon at mais.
“Ito po ay collaboration sa lahat ng farmers, stakeholders at mga (seed) company na nandito. Maraming nagtatanong kung what is the technique para dito, ito lang po ang pinakasimpleng technique “collaboration”. Simulan mo at tatapusin nila ganun lang pala yun. Isa pa po, ang pinakasikreto lang po na ginagawa kailangan lang po iconnect ang science at technology, kung ano lang po ang napractice na natin na ginagawa iconnect lang po natin ang science at technology. Huwag lang po tayong tumigil sa ating ginagawa, huwag po tayong tumigil mag-aral.”
Source: DA Bicol
