Pinalakas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office No. 5 (BFAR 5) ang kaalaman at kasanayan ng mga lokal na mangingisda sa produksyon at ligtas na pag-aalaga ng talaba sa pamamagitan ng dalawang-araw na hands-on training sa Barangay Kagtalaba, Sta. Elena, Camarines Norte noong Setyembre 9–10, 2026.
Isinagawa ang pagsasanay bilang tugon sa kahilingan ng 1Kagtalaba Fisherfolk Association, na naglalayong mapaunlad ang kanilang kaalaman sa maayos, ligtas, at napapanatiling oyster farming.
Dinaluhan ng 22 miyembro ng 1Kagtalaba Fisherfolk Association ang pagsasanay, kung saan tinalakay ang biology at breeding ng talaba, environmental requirements sa oyster farming, shellfish aquaculture at microbiology, depuration technology, gayundin ang hatchery at culture systems. Bilang praktikal na aplikasyon ng mga natutuhan, nagtayo at nag-deploy ang mga kalahok, sa gabay ng technical staff ng BFAR 5, ng isang 5-metro x 5-metrong bamboo raft culture unit. Sila mismo ang nagsagawa ng disenyo, konstruksyon, at aktuwal na pag-install nito sa isang piling lugar sa Kagtalaba.
Sa pamamagitan ng hands-on na pagsasanay, nabigyan ang mga kalahok ng praktikal na kaalaman na maaari nilang gamitin sa pagpapaunlad ng oyster farming bilang karagdagang pinagkakakitaan, habang isinusulong ang mas ligtas, maayos, at napapanatiling produksyon ng talaba sa kanilang komunidad.
Matapos ang pagsasanay, nagpahayag ng pasasalamat si Nunilon Angulo, presidente ng 1Kagtalaba Fisherfolk Association, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling sistema ng pagpapalaki ng talaba upang mapalakas ang lokal na produksyon.
“Malaking tulong po itong training sa amin para maprotektahan namin ang lokal na produksyon ng talaba. Hindi na namin kailangang iasa sa natural ang pag-aani dahil matututo na kaming mag-alaga at magpalaki ng talaba. Ipapalaganap namin ang kaalamang ito at ipapasa sa mga susunod na henerasyon ang tamang paraan ng pag-aalaga ng talaba. Maraming salamat po sa inyo.” Ayon kay Angulo, layunin ng kanilang samahan na magamit ang mga natutuhang pamamaraan upang makatulong sa pagpapatuloy ng lokal na oyster farming sa kanilang komunidad.
Source: BFAR Bicol
