Iriga: DOH Bicol, tiniyak ang agarang serbisyong medikal sa Masbate matapos ang bagyong Opong

    0
    11

    Tiniyak ni Department of Health Bicol (DOH Bicol) OIC Regional Director Dr. Rosa Maria B. Rempillo na nakahanda ang kagawaran na magbigay ng tulong at serbisyong pangkalusugan sa nasalanta ng bagyong Opong.

    Lulan ng Philippine Air Force helicopter, bumisita nitong Sabado, Setyembre 27, ang DOH Bicol kasama ang Office of Civil Defense Bicol (OCD), Department of Social Welfare and Development Field Office V (DSWD), at Philippine News Agency (PNA) upang alamin ang pinsalang dulot ng Bagyong Opong sa lalawigan ng Masbate.

    Nagsagawa ng inisyal na assessment ang grupo at tinukoy ang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente.

    Sinabi ni Masbate Governor Richard Kho na kabilang sa agarang kailangan ng mga Masbateño ang pagkain, tirahan, serbisyong medikal, malinis na tubig o water filtration, at kuryente.

    Ayon kay RD Rempillo, dalawang truck ng health commodities ang patungo na sa lalawigan. Ito ay naglalaman ng hygiene kits, water containers, at mga gamot na nagkakahalaga ng halos P1.4 milyon.

    Nakatakda ding magtayo ng isang operations center ang DOH Bicol sa lungsod ng Masbate.

    Samantala, idineklara na ang buong lalawigan ng Masbate sa ilalim ng state of calamity matapos maitala ang higit 56,000 apektadong indibidwal at pitong nasawi dahil sa bagyo.

    Source: DOH Bicol CHD

    Leave a Reply