Pinuri ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Bicol Regional Director Atty. Arnaldo Escober Jr. ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon sa pamumuno ni Governor Boboy Hamor dahil sa pangunguna nito sa pagsusulong ng kaligtasan sa mga paaralan sa pamamagitan ng “Be Wise, Be Safe, We Save” initiative.
Sa isinagawang rollout para sa mga punong barangay ngayong araw, September 16, kinilala ni Escober ang Sorsogon bilang unang provincial local government unit (PLGU) na nagpatupad ng mandato ng DILG Memorandum Circular No. 2026-037 sa pamamagitan ng nasabing inisyatiba.
Ang memorandum circular ay tumutukoy sa Safer School Zones, sa ilalim ng Safer Cities and Safer Communities Initiative ng DILG. Layunin nitong isulong ang mas ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral at mga paaralan.
Ayon kay Escober, ipararating niya sa nakatataas na pamunuan ang hakbang ng Sorsogon upang maipaabot ang ginagawa ng lalawigan kaugnay ng nasabing advocacy.
Nagpahayag din ng papuri si Sorsogon Second District Representative Wowo Fortes. Ayon sa kongresista, batay sa kanyang ginawang pag-alam, wala pa siyang natukoy na ibang LGU sa bansa na nagsasagawa ng kaparehong inisyatiba ng lalawigan.
Dumalo rin sa aktibidad ang matataas na opisyal ng mga tanggapan sa Bicol, kabilang si PNP Bicol Regional Director Police Brigadier General Glenn Silvio, bilang suporta sa pagpapalawak ng pakikilahok ng mga barangay sa pagpapanatili ng ligtas na mga paaralan.
Nanawagan naman ang mga kinatawan ng Department of Education (DepEd), Public Attorney’s Office (PAO), at iba pang tanggapan sa mga opisyal ng barangay na makiisa sa programa at maging aktibong katuwang sa pangangalaga sa kabataan.
Mahalaga ang papel ng barangay bilang pinakamalapit na antas ng pamahalaan sa mga pamilya. Ang maagang pagkilala sa mga suliranin, agarang pakikipag-ugnayan sa paaralan at kaukulang ahensiya, at maayos na pagtugon sa mga sumbong ay makatutulong upang maiwasang lumala ang mga insidente.
Source: Sorsogon PIO
