Friday, May 3, 2024

Iriga: Dagdag pasahe, hirit ng mga tricycle drivers at operators sa Camarines Norte

- Advertisement -

Umaaray na ang halos 11,000 tricycle drivers at operators sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa Camarines Norte.

Visit RPN DZKI Iriga

Sa Daet na aabot sa 2,000 ang pumapasadang tricycle, ilang sentimo na lang bago pumalo sa ₱ 90 per liter ang presyo ng unleaded gasoline.

Ayon kay Alex Sulpa, presidente ng Federation of Tricycle Operators and Drivers Association o FETODA, ilan sa kanila ang nagdesisyon nang tumigil na sa pamamasada kaysa lalong malugi.

“Wini-waive na nila (ang franchise). Ayaw na sa pasada kasi sa sobrang hirap ng pasahero at saka ‘yong gasolina napakamahal. Inaabot na ang gasolina namin dito ng ₱ 89, ma-₱ 90 na po… iyong iba, kung makikipagsapalaran sila dito pero di naman sapat, nagpapa-Manila sila,” ani Sulpa.

Noong unang taon ng COVID-19 pandemic, pinayagan ng LGU-Daet ang hiling ng grupo na mula ₱ 10, gawing ₱ 15 ang pasahe sa tricycle sa unang 2-kilometro at dagdag ₱ 5 sa halip ₱ 2 sa susunod na kilometro dahil 1 hanggang 2 lang ang pinapayagan na sakay nila.

Plano ng lokal na pamahalaan na ipatupad na muli ang orihinal na pasahe, pati na ang 3-4 na sakay at number coding sa mga tricycle.

Susunod umano rito ang FETODA, pero, huwag na raw sanang galawin ang kasalukuyang pasahe dahil bukod sa gasolina, mahal na rin ang mga piyesa ng motorsiklo at iba mga bilihin.

Magsagawa umano ang grupo ng tigil-pasada kung patuloy na isasantabi ng Tricycle Regulatory Unit (TRU) at Tricycle Regulatory Board (TRB) ang hiling nilang dagdag-pasahe.

“Kami po magsa-sacrifie 2 days, 3-days pwede kami. Di man po niyan lahat ma-paralize yong transport atleast naipakita namin ang aming hinaing,” babala ng transport leader.

Hiniling din nilang silipin ng gobyerno ang pagdami ng mga kolorum na tricycle, habal-habal at mga may motorsiklong pinasok na ang negosyong ‘online pabili’.

“May letter po ako sa TRU, sa Sangguniang Bayan na pwede i-regulate niyo yan kasi kami bumabayad ng business permit, yung mayor’s permit na kulang-kulang 2k, plus ‘yong sa LTO sila pala kalaban namin sa hanapbuhay parang sinasabi ko bakit hindi niyo kayang iregulate yan. Kami nga may coding sila wala, naglipana na.”

Umaasa ang FETODA na maibigay na rin ang fuel subsidy na ipinangako ng Department of Transportation dahil makatutulong umano ito na maibsan kahit papano ang nararanasan nilang pagkalugi.

(Source: Bicol PH)

- Advertisement -

Leave a Reply

- Advertisement -

Related Articles

- Advertisement -
- Advertisement -spot_img

Latest Articles

- Advertisement -spot_img