Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Department of Agriculture Bicol (DA) na mabawasan ang gastusin sa produksyon ng mga magsasaka, umabot sa 740 benepisyaryo sa Iriga City ang tumanggap ng fuel assistance sa isinagawang distribusyon nitong Hulyo 30, 2026.
Pinangunahan ni Engr. Amabel N. Bombase, Regional Coordinator ng Corn Program, kasama si City Agriculturist Arjay Ramirez, ang pamamahagi ng Fuel Assistance to Farmers Project sa mga kwalipikadong magsasaka. Sa ilalim ng programa, tumanggap ang bawat benepisyaryo ng ₱5,000 na fuel assistance sa pamamagitan ng fuel card na maaaring gamitin sa pagbili ng diesel o gasolina.
Sa kabuuan, ₱3.7 milyon ang halaga ng tulong na ipinamahagi sa mga benepisyaryo, na inaasahang makatutulong sa mga gastusin sa paghahanda ng lupa, pagpapatubig, at iba pang gawaing pangbukid na nangangailangan ng fuel.
Ang Fuel Assistance for Farmers and Fisherfolk Program ay isa sa mga interbensyon ng Department of Agriculture upang matulungan ang mga magsasaka na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Sa pamamagitan ng programang ito, nababawasan ang gastusin sa produksyon at napananatili ang tuloy-tuloy na operasyon ng kanilang mga sakahan.
Source: Angela Mae P. Lafuente, DA-RAFIS 5
