Nag-aalok ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) ng “Libreng Sakay” upang magsilbing alternatibong transportasyon ng mga apektadong komyuter dahil sa nakatakdang transport strike ngayong araw, ika-26 ng Marso hanggang ika-27, 2026.
Saklaw ng libreng sakay ang mga ruta mula sa 1st District at 3rd District patungong Legazpi City at pabalik.
Magsisimula ang biyahe bandang alas-7:00 ng umaga mula sa 1st District, partikular sa Tiwi at Tabaco City, at mula sa 3rd District, kabilang ang Libon, Polangui, Oas, Ligao City, at Guinobatan patungong Legazpi City, habang may nakatakdang return trips pabalik sa 3rd District bandang 9:30 ng umaga.
Sa hapon, may mga biyahe mula Legazpi City pabalik sa mga nasabing lugar na magsisimula bandang alas-4:00 ng hapon at 6:30 ng gabi upang masigurong may masasakyan ang mga komyuter pauwi.
Itinalaga naman ang mga pickup at waiting areas sa mga City Hall o Municipal Hall ng bawat munisipalidad at lungsod sa 1st at 3rd District, habang itinalaga namang pickup point sa Legazpi ang sa tabi ng City Plus Home Depot, harap ng SM Legazpi.
Pinapaalalahanan ng APSEMO ang publiko na sundin ang mga itinakdang oras at lugar ng pickup upang maging maayos ang daloy ng biyahe.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng pagsisikap ng Pamahalaang Lokal ng Albay upang matiyak ang maayos at ligtas na biyahe sa gitna ng transport strike.
Source: Albay PIO
