Nakalikom ng kabuuang 40 blood units ang Bicol South Luzon Sub National Reference Laboratory Blood Center at Albay Provincial Health Office (APHO) mula sa 54 recruited donors sa isinagawang Blood Donation Activity ngayong araw sa LCC Events Hall, Legazpi City.
Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng World Blood Donors Day sa darating na June 14, 2025, na may temang “Give Blood, Give Hope: Together We Save Lives.” Nilalayon nitong palaganapin ang kamalayan sa kahalagahan ng boluntaryong pag-donate ng dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan.
Kabilang sa mga aktibong nakiisa ang mga kinatawan mula sa Philippine Army, Local Government Units (LGUs), media, at iba pang mga ahensya.
Ayon kay Dr. Gisela Joyce M. Claveron-de la Rosa, Regional Blood Program Coordinator ng DOH Bicol Center for Health Development, nananatiling sapat ang suplay ng dugo sa rehiyon at naibibigay ang pangangailangan ng mga pasyente sa iba’t ibang ospital at health facilities.
Binibigyang diin ni Dr. Claveron-de la Rosa na para mapanatili ang sapat na suplay na ito at matiyak na mayroong reserba sa panahon ng kalamidad, emergency, holiday at mga di inaasahang pangyayari, ay kinakailangang patuloy at regular ang pagsasagawa ng mga mobile blood donations.
Dagdag pa niya, nagpapatuloy ang mobile blood donation drives sa rehiyon sa tulong ng mga LGU at partner organizations upang mas mapalawak ang access sa ligtas na suplay ng dugo.
Hinihikayat ng DOH Bicol CHD ang publiko na gustong mag-donate ng dugo na makipag-ugnayan sa BSLSNRL Blood Center para sa karagdagang impormasyon at iskedyul ng blood donation activities.
Source: DOH CHD Bicol
