Natanggap na ng 147 na magsasaka sa Albay ang kanilang sertipiko kasunod ng 17 araw na pagsasanay at pag-aaral sa Farmers Field School (FFS) ng Albay Provincial Agriculture Office (APAO).
Ito ay binubuo ng anim na batch ng mga kalahok mula sa mga Barangay ng Libod, Bariw, at Cotmon sa bayan ng Camalig na may kabuuhang bilang na 73. Barangay Bascaran, Kidico, at Balinad sa Daraga na may 49 na magsasakang lumahok at 25 naman sa Barangay San Agustin ng Oas.
Ang pagsasanay na ito ay tinatawag na Production of High-Huality Inbred Rice, Seed Certification, and Farm Mechanization.
Layunin nitong mabigyan ng mas malalim pang kaalaman ang bawat magsasaka sa Albay sa mundo ng agrikultura, mula sa usaping binhi, tamang fertilizer, patubig hanggang sa maipagbili ang kanilang ani.
Bukod sa mga nabangit nasubukan din nila ang iba’t-ibang makabagong makinarya sa palayan tulad ng paggamit ng combine harvesters, rice planters, at tractor.
Oportunidad itong maituturing ng mga nagsipagtapos, dahil aniya gagamitin at ituturo rin nila ang lahat ng kanilang natutunan mula sa mga naatasang FSS trainer na dinayo sila sa kanilang barangay, isang araw sa bawat linggo mula Abril hanggang Agosto.
Naisakatuparan ang lahat ng ito sa koordinasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang ahensyang sumuri at tumugon sa mga kuwalipikasyon ng mga nagsipagtapos sa programa.
(Source: Albay PIO)