Inilabas na travel advisory ng US sa Pilipinas sinusuring maigi ng Palasyo

0
52

Sinusuri nang maigi ng Malacañang ang ipinalabas na travel advisory ng United States Department of Homeland Security kaugnay ng umano’y mahinang security measures na ipinatutupad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ay ang kaligtasan ng mga mananakay sa gitna ng banta ng terorismo.

Giit ni Panelo, iku-konsidera ng gobyerno ang rekomendasyon ng Estados Unidos sa usapin ng seguridad sa mga paliparan sa pamamagitan ng paggamit ng mga global partners, kabilang na ang International Civil Aviation Organization.

Nakatutok din aniya ang Department of Transportation, Manila International Airport Authority at Office for Transportation Security sa pagpapatupad ng mahigpit na security measures sa NAIA.

Gayunman, aminado si Panelo na medyo matatagalan pa ang pagbili ng mga x-ray machines, walk-through metal detectors, alarm systems at iba pa na siyang inirekomenda ng Amerika na dapat gawin ng Pilipinas.