Iligal na pagtitipon ng break away group ng PDP Laban hindi na dapat bigyang importansya — Pimentel

0
51

Ayaw nang bigyan ng importansiya ni PDP Laban President Senador Koko Pimentel ang isinagawang iligal na pagtitipon ng ilang mga miyembro umano ng kanilang partido noong Biyernes.

Ayon kay Pimentel, hindi na dapat pinag-aaksayahan ng atensyon at oras ang usapin lalo’t hindi naman aniya kinikilala ng PDP Laban ang ginawang pagluklok ng mga bago umanong opisyal ng partido.

Iginiit din ni Pimentel ang pagsasampa ng kaso ng mga nasa likod ng hindi otorisadong pagtitipon na makasisira lang aniya sa PDP Laban.

“Kailangan proteksyonan naman yung pangalan ng party kasi ginamit sa unauthorized na event tapos katawa-tawa pa. Eh masisira tayo niyan kasi meron tayong mga international agreements eh, may mga political parties na may memorandum of cooperation eh. Di na dapat bigyan ninyo ng atensyon yan.”

Sinabi pa ni Pimentel, kanya na ring naka-usap si Special Assistant to the President Bong Go na idinadawit sa nasabing pagtitipon at itinangging may kinalaman siya rito.

Dagdag ng senador, kanilang reresolbahin ang usapin sa loob ng kanilang partido at hindi na iistorbohin pa si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil dito.

“Mag ingat ingat din tayo sa mga name dropping o sa mga salita na ni-nominate daw nila si Bong Go as auditor, una sa lahat pag andun ba si  Bong Go, pupunta ba? So kahit na binabanggit yung mga pangalan ng mga tao roon na tunay na PDP Laban eh hindi ibig sabihin nun na tunay na event yun. Anyway, pagkatapos nun nakapag usap naman kami sa telepono ni SAP Bong Go, ang sabi naman niya ‘’wala kaming kinalaman diyan at hindi siya part non’’ eh alam ko naman yun at hindi niya na ko kailangan sabihan non.”

(Usapang Senado interview)