Ilang mga tanggapan ng pamahalaan nagsuspindi ng pasok ngayong araw

0
60

Sinuspindi na ni Senate President Vicente Sotto III ang pasok sa trabaho sa senado simula kaninang 11:00 ng umaga.

Ayon kay Sotto, halos 50% ng mga empleyado ng senado ang apektado ng baha kaya nagpasya na lamang siyang suspendihin ang pasok sa tanggapan.

Dahil dito, wala nang sesyon ang senado mamayang hapon habang kanselado na rin ang nakatakdang pagdinig hinggil sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea at ang hearing ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs at Committee on Local Government.

Gayunman, sinabi ni Senador Win Gatchalian na tuloy pa rin ang nakatakdang pagdinig ng Senate Commiittee on Energy hinggil sa electrification sa bansa ngayong araw.

Samantala, nagsuspindi na rin ng pasok sa trabaho ang Kamara De Representantes bagama’t tuloy pa rin ang pagdinig ng Committee on Energy.


Nagsuspindi na rin ng pasok simula kaninang 12:00 ng tanghali ang Korte Suprema.

Sa ipinalabas na abiso ni Acting Chief Justice Antonio Carpio, kabilang sa suspensyon ang pasok sa Court of Appeals, Sandiganbayan at Court of Tax Appeals.

Habang ipinauubaya naman ni Acting Chief Justice Carpio sa mga executive judges ng mga mababang hukuman na apektado ng masamang panahon at pagbaha ang pagpapasya sa suspensyon ng pasok sa kani-kanilang nasasakupan.

Samantala, wala na ring pasok kaninang 12:00 ng tanghali ang tanggapan ng Ombudsman kasunod ng ipinalabas na kautusan ni Ombudsman Samuel Martires.

(with report from Cely Ortega- Bueno and Bert Mozo)