Hontiveros nanindigang hindi sapat ang sorry ng Manila Water

0
51

Nanindigan ngayon si Senadora Risa Hontiveros na hindi sapat ang “sorry” ng mga opisyal ng Manila Water.

Sa pagdinig ng senado, iginiit ni Hontiveros na hindi dapat makuntento ang publiko sa paghingi ng paumanhin ng Manila Water na nabigo sa kanilang tungkuling suplayan ng tubig ang mga lugar sa Metro Manila at Rizal.

Binigyang diin ng senadora na dapat pagbayarin ang Manila Water para sa lahat ng mga nalagay sa alanganin at perwisyong idinulot ng krisis sa tubig.

“Okay na ba tayo sa sorry lang madam chair? Eh kapag na late nga tayo sa pagbayad ng tubig, di ba puputulan tayo ng serbisyo? Kahit mag sorry tayo ng ilang beses sa Manila Water o sa Maynilad, sa crisis na ito, lagpas isang milyong tahanan ang nawalan ng tubig. Baka sa Mayo pa daw magiging regular ulit suplay. Ilang buwan bang mapeperwisyo ang Pilipino dahil sa kawalan ng tubig? Ang kawalan na ito ay may economic impact, hindi lang sa mga maliliit na negosyo pero para din sa mga tahanang napilitang bumili ng galon o balde at nagsayang ng oras at pagod para pumila sa tubig, apektado din ang kalusugan. Paano yung mga pasyenteng kailangan ng dialysis, paano yung mga kailangang mag pa opera? Paano yung manganganak? Paano mo lilinisin ang mga ospital at clinic? Kaya dapat hindi talaga tayo makuntento sa sorry lamang. Dapat may managot.”