Nilinaw ng Department Of Health (DOH) na maaari paring mag-home quarantine ang mga pasyente ng COVID-19 na mild, asymptomatic.
Ito ay kasunod ng inilabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa mahigpit na implementasyon ng facility-based quarantine.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi naman nila ipinagbabawal ang home quarantine ngunit mas kinokonsidera lamang nila ang pananatili ng mga patients sa temporary facility.
Aniya, opsyon lamang ang home quarantine kung puno na ang mga quarantine o treatment facility sa lugar o lungsod na kinaroroonan ng mga pasyente na may mild case ng COVID-19 o dikaya’y asymptomatic.
Gayunman, bagamat hindi ipinagbabawal ang home quarantine ipinapaalala naman ni Vergeire na kinakailangan paring sumunod ng mga pasyente sa kanilang itinalagang kondisyon kung saan dapat na magkaroon ang mga ito ng sariling kwarto at palikuran upang matiyak na hindi ito magkakaroon ng contact sa ibang kasamahan sa bahay.