Inaprubahan na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-2942 na naglalayong gawing mandatory ang pagsusuot ng helmet sa lahat ng nagbibisikleta sa Lungsod.
Ayon kay Belmonte, bahagi na ng new normal ang pagbibisikleta kung kayat dapat na magsuot ng helmet upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito sa pagbiyahe sa Lungsod.
Aniya, nakapaloob rin sa naturang ordinansa na ang Department of Public Order and Safety sa Lungsod ang magiging lead agency sa istriktong pagpapatupad ng pagsusuot ng helmet sa mga nagbibisikleta.
Nagbabala naman ang Alkalde sa sinomang mahuhuling lalabag sa ordinansa na mapapatawan ang mga ito ng multang P1,000 para sa 1st offense, P3,000 naman sa 2nd offense habang P5,000 naman sa 3rd offense.
Una nang sinimulan ni Belmonte ang implementasyon ng bike lane project sa Lungsod, na naglalayong mabigyan ng ligtas na lugar o daanan ang mga nagbibisikleta.