Ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ni Senadora Leila De Lima na makadalo sa isasagawang oral argument sa usapin ng pagkalas ng Pilipinas sa ICC o International Criminal Court.
Ayon sa isang source mula sa Korte Suprema, tanging sina Acting Chief Justice Antonio Carpio at Associate Justice Francis Jardeleza lamang ang bumoto pabor sa pagdalo ni De Lima sa oral argument para kumatawan sa petisyong humaharang sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC.
Iginiit ng Korte Suprema, walang mabigat na dahilan para payagan si De Lima na dumalo sa oral argument lalo’t may umiiral na restriksyon laban sa nakakulong na senador.
Samantala, itinakda ang oral arguments hinggil sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC sa Agosto 14.
(with report from Bert Mozo)