Hiling na piyansa ng 10 akusado sa pagkamatay ng hazing victim na si Castillo ibinasura

0
22

Hindi pinagbigyan ng Manila Regional Trial Court ang kahilingang makapagpiyansa ang 10 akusado sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.

Ito ay matapos na ibasura ni Manila RTC branch 20 judge Marivic Balisi-Umali ang petisyong inihain nina Arvin Balaga, at siyam na iba pang miyembro ng Aegis Juris Fraternity.

Sa 56 na pahinang resolusyon, iginiit ng prosekusyon na present ang 10 akusado sa isinagawang final rites kay Castillo.

Nakasaad din sa nasabing resolusyon na ang tatlo sa mga akusado na kinilala bilang sina Balag, Ralph Tangia at Axel Munro Hipe ang humampas sa biktima gamit ang paddle na naging sanhi ng pagkasawi nito.

Malinaw rin na nakasaad sa resolusyon na ang physical injuries na tinamo ng biktima ang naging dahilan ng pagkasawi nito, at hindi ang medical condition ni Castillo.

Ang 10 mga akusado ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8049 o ang anti hazing act of 1995 kung saan posible silang makulong ng hanggang sa 40 taon.