Gobyerno hindi transparent sa death toll ng COVID-19 sa mga preso sa bilangguan —HRW

0
16

Hindi ini-uulat ng pamahalaan ang totoong bilang ng mga pagkasawi sa mga bilangguan na bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa Human Rights Watch (HRW), hindi transparent ang pamahalaan pag dating sa bilang ng mga nasawi sa COVID-19 sa mga kulungan sa bansa.

Ito anila ay dahil batay sa kanilang pagsisiyasat— nakapanayam ng HRW ang limang bilanggo kung saan isiniwalat ng mga ito na umakyat na sa pitong preso mula sa Quezon City Jail ang nasawi habang isa naman mula sa Cavite Provincial Jail simula noong Marso 25.

Binigyang diin pa ng HRW na isang preso sa Quezon City Jail na nagsisilbi bilang medical aide ang nag bunyag sa kanila na isang isa kada linggo ang nasasawi sa mga detention facility.

Dagdag pa ng HRW nabatid din na hindi sumusunod sa tamang health protocols ang mga medical aides dahil nag susuot lamang ang mga ito ng face masks at gloves tuwing mag ta-transfer ng bangkay sa ambulansiya patungong morgue.

Dahil dito, sinabi ni Phil Robertson, deputy Asia director ng HRW, patunay lamang ito na dapat tutukan ng pamahalaan ang sitwasyon sa mga kulungan at dapat ding maging transparent ng gobyerno sa tunay na sitwasyon ng Pilipinas.