Faeldon walang kapangyarihan magpalaya ng mga preso sa ilalim ng GCTA

0
47

Walang kapangyarihan si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon na magpalaya ng mga preso sa ilalim ng gcta o good conduct time allowance.

Ito ang binigyang diin ni Senate Pro Tempore Ralph Recto sa isinagawang pagdinig ng Senado hinggil sa kuwestiyunableng pagpapatupad ng GCTA at sa naudlot na paglaya ng convicted rapist at murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Una rito, umani ng batikos mula sa iba’t-ibang opisyal ng gobyerno ang nabunyag na release order ni Sanchez kung saan makikita na mismong si Faeldon ang nakapirma dito.

Ayon kay Recto, malinaw sa probisyon ng Republic Act 10592 na walang otoridad ang BuCor Chief na mag-release ng preso sa ilalim ng GCTA kahit na ito ay kuwalipikado sa naturang batas.

Aniya, ang tanging kapangyarihan lamang ng BuCor Chief ay bilangin ang time allowances ng isang bilanggo na makikita sa karpeta nito.

Kasabay nito, binigyang diin rin naman ni Recto na nasa Justice Secretary ang kapanyarihan sa pagpapalaya ng isang inmate na sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Una namang itinanggi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na dumaan sa tanggapan niya ang naturang release order ni SANCHEZ.

Samantala, aabot naman sa kabuuang isang 1,914 ang napalayang preso sa ilalim ng GCTA.