Epekto sa pagpapalawig ng MECQ sa Metro Manila, karatig lugar pag-aaralan pa — Roque

0
29

Tinitimbang pa ng palasyo ang magiging epekto sa kalusugan at ekonomiya ng posibleng pagpapalawig ng umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, at mga karatig lalawigan.

Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Harry Roque, kaugnay ito ng mga suhestiyong palawigin pa ng isang buwan ang umiiral na MECQ sa Metro Manila.

Sinabi ni Roque, kailangan itong timbangin, at mahigpit na pag-aralan ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Aniya, napakahalaga na hindi na malagay sa alanganin anng kalusugan ng mga Filipino, at mapangalagaan din ang ekonomiya ng bansa.

Una rito, sinabi ni Roque na magiging masama ang epekto ng pinalawig na lockdown sa ekonomiya ng bansa.

Matatandaang, inilagay ni Pang. Rodrigo Duterte ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan sa MECQ mula Agosto 4 hanggang 18 matapos ang hirit na timeout ng mga medical frontliners, at upang bigyang daan din ang recalibration ng istratehiya ng pamahalaan sa paglaban kontra COVID-19.