Epekto ng tagtuyot sa presyo ng pagkain binabantayan na ng DTI

0
50

Binabantayan na ng Department of Trade and Industry o DTI ang epekto ng El Niño sa produksyon ng pagkain partikular sa mga gulay.

Ipinabatid ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na asahan na ang bagsak na produksyon ng gulay sa mga susunod na buwan bunsod ng epekto ng matinding init na panahon at tagtuyot.

Hindi rin umano malayong sumipa ang presyo ng gulay dahil na rin sa mataas na demand.

Dahil dito, nakatakda nang pag-usapan sa pulong ng national price coordinating council kung anong hakbang ang maaaring gawin upang matulungan ang mga magsasakang tiyak na maaapektuhan.


Price hike

Tumaas ang presyo ng manok at ilang klase ng isda sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Ito aniya ay dahil sa mainit na panahon kaya’t apektado ang bentahan ng isda at manok.

Batay sa ulat, sa Sampaloc Market pumalo sa 160 pesos ang presyo ng kada kilo ng bangus mula sa 140 hanggang 150 pesos.

Aabot naman sa 140 pesos ang presyo ng galunggong mula sa dating 120 hanggang 130 pesos.

Sa Kamuning Market naman sa Quezon City, nasa 160 pesos na ang bangus at 180 sa galunggong.

Nasa 150 pesos naman ang kada kilo ng manok.

Ngunit kinuwestiyon naman ni Trade Undersecretary Ruth Castelo ang pagtaas ng presyo ng manok.

Paliwanag ni Castelo mababa dapat ang presyo ng manok sa merkado dahil sa mababa rin ang farm gate price nito na naglalaro lamang aniya sa 62 hanggang 70 pesos.

—-