El Nido namemeligrong sumunod sa Boracay – DOT

0
56

Nais pagpaliwanagin ng DOT o Department of Tourism ang lokal na pamahalaan ng El Nido sa Palawan kaugnay sa naging paglabag nito sa batas pangkalikasan.

Ito’y makaraang mabisto ni Tourism Secretary Berna Romulo – Puyat ang ginawang pagpapabaya ng lokal na pamahalaan at mga turista sa naturang bayan.

Ayon sa kalihim, dalawang beses na siyang sumulat sa mga lokal na opisyal ng El Nido subalit tila hindi siya pinapansin ng mga ito.

Iginiit ni Romulo – Puyat na walang silbi ang mga ipinapasang ordinansa ng isang bayan kung hindi naman ito ganap na naipatutupad.

Gayunman, nagbabala si Puyat na posibleng matulad sa Boracay ang El Nido na ipinasara ng anim na buwan dahil sa kapabayaang ginawa dito na siyang naging sanhi ng pagdumi ng isla.