ECQ posibleng hindi na palawigin sa NCR —DILG

0
49

Posibleng hindi na palawigin pa ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG)  Undersecretary Jonathan Malaya, posibleng matapos na sa Mayo 15  ang umiiral na ECQ sa NCR, at isailalim na lamang ito sa general community quarantine (GCQ).

Ito aniya ay batay sa mga datos na nakalap sa Metro Manila kung saan nagpapakita ito ng indikasyon na maaring ibaba na lamang sa GCQ ang ipinatutupad na protocol sa Metro Manila.

Gayunman, sinabi naman ni Malaya na posibleng isailalim pa rin sa  ECQ ang ilang parte ng Quezon City dahil sa mataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ilang mga lugar.

Sa halos 9,000 kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas, 5,000 rito ang mula sa Metro Manila kung saan naitala naman ang pinaka mataas na kaso sa Quezon City na mayroong 1,100 kaso ng COVID-19.