Duterte pinangunahan ang pagdiriwang ng National Heroes’ Day

0
85

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdiriwang ng National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani sa lungsod ng Taguig ngayong araw.

Eksakto alas-8:00 ngayong umaga nang dumating ang Pangulo sa Tomb of the Unknown Heroes sa Libingan ng mga Bayani kung saan binigyan siya ng arrival honors ng Armed Forces of the Philippines o AFP.

Sinamahan ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez ang Pangulo sa trooping the line o inspection of troops at saka naman ito sinamahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas at pag-aalay ng bulaklak.

Kabilang sa mga dumalo sa flag raising ceremony sina Executive Secretary Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon at iba pang miyembro ng gabinete ng administrasyong Duterte.

Sa kanyang talumpati, kinilala ng Pangulo ang kabayanihan at katapangan ng mga Pilipinong nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa.

Kasabay nito ang pagkilala sa mga ordinaryong Pilipino na patuloy aniyang nagsasakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya at para sa pag-unlad ng komunidad.

Umaasa ang Pangulo na patuloy na maging gabay at isabuhay ng bawat Pilipino ang legasiya ng ating mga bayani para sa pagbuo ng isang matatag na republika sa hinaharap.

(May Ulat ni Jaymark Dagala)