Duterte muling inilagay sa alanganin ang bansa sa usapin ng West PH Sea — ayon sa isang dalubhasa

0
57

Muling inilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa alanganin ang estado ng bansa sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Ito ang naging reaksyon ng Maritime Expert at UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Jay Batongbacal, matapos sabihing pag-aari at hawak na ng China ang ilang bahagi ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Ayon kay Batongbacal, ang ginawang pag-amin ng pangulo na pag-aari na ng China ang bahagi Ng South China Sea ay pagkilala na rin sa ginawang pag-okupa nito sa pinagtatalunang teritoryo.

Posible rin aniyang magamit ito laban sa Pilipinas kung saan maaaring sabihin ng China na tinatalikdan na ng bansa ang karapatan nito sa South China Sea batay na rin sa ruling ng permanent court of arbitration nuong Hulyo 2016.

Samantala, iginiit naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin Jr. na wala pang isinusuko ang Pilipinas sa kahit isang pulgada ng teritoryong inaangkin ng bansa sa South China Sea.