Double pay ng mga manggagawa ngayong Labor Day maaaring maunsyami —DOLE

0
36

Nilagdaan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Labor Advisory No. 15 series of 2020 na nagbibigay ng karapatan sa mga employer na hindi muna bayaran ang double pay o holiday pay ng kani-kanilang manggagawa ngayong pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Karaniwang binabayaran ng mga employer ang karagdagang 200% ng sweldo ng kanilang mga mangagawa na magtatrabaho sa unang walong oras ng regular holiday.

Gayunman, sinabi ni Bello na malaya ang mga employer na hindi muna ito bayaran bilang tugon na rin sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ekonomiya ng bansa.

Aniya, makaka-menos rin ito sa mga negosyo na sumasalo ng mga dagdag na benepisyo ng kanilang mga mangagawa.

Dagdag pa ng advisory, exempted rin sa pagbabayad ng karagdagang benepisyo ang mga establisyimentong tuluyang nagsara o pansamantalang tinigil ang operasyon dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine, na pinalawig pa hanggang sa ika-15 ng Mayo.

Nilinaw naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na babayaran parin naman ang 100% ng sahod ng mga empleyado na pipiliing hindi magtrabaho ngayong araw.

Anila, ang mga mag o-overtime ngayong Labor Day ay babayaran parin ng dagdag na 30%  ng kanyang oras ang bayad.

Samantala, ang komputasyon naman sa suswelduhin ng mga papasok ngayong araw ay hourly rate ng basic wage x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.